Nasa 30,000 household service workers (HSWs) mula sa Pilipinas ang maaring ipadala sa Kuwait sa unang kwarter ng 2024, matapos ang pag-uusap ng dalawang bansa kaugnay ng pagtatanggal sa deployment ban.
Gumagawa na ng mga bagong mekanismo ang gobyerno ng Pilipinas at Kuwait patungkol sa recruitment sa mga Overseas Filipino Workers (OFW).
“The Philippine Agencies Accredited to Kuwait (PHILAAK) had met earlier with foreign recruitment agencies (FRAs) operating in Kuwait to start the process,” ayon kay migration expert Manny Geslani.
Ang pag-aalis sa deployment ban ay isa rin sa pinag-usapan nina Pangulong Ferdidnand Marcos Jr. at Kuwaiti Crown Prince Sheikh Mishal Al-Ahmad Al-Jaber Al-Sabah sa ginanap na Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council (ASEAN-GCC) Summit in Saudi Arabia, Oktubre ngayong taon.
Kung babalikan, nagpatupad ang Pilipinas ng suspenyon sa deployment para sa HSWs dahil sa pagpatay sa helper na si Jullebee Ranara sa naturang bansa.
Kinansela naman ng Kuwait ang mga visa ng mga OFW na papasok sa bansa, bilang tugon sa ginawang aksyon ng Pilipinas noong Mayo.
Nasa 260,000, sa 280,000 na OFW sa Kuwait ang mga HSWs, habang ang nalalabing bilang naman ay mga skilled workers.