-- Advertisements --
vaccine covid moderna
Photo from Moderna’s Research Engine article (modernatx.com)

Aabot sa 30,000 mga pasyente ang makikibahagi sa pag-testing sa tatlong nadiskubre na coronavirus vaccine sa Amerika.

Popondohan ng kanilang pamahalaan ang gagawing pag-aaral o experimental testing sa mga gamot na na-develope ng Moderna, Oxford University/AstraZeneca at ng Johnson & Johnson.

Paliwanag ni Dr. Anthony Fauci, ang director ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases, gagawin ang phase three trials upang malaman kung ligtas ba at epektibo ang mga bagong vaccine laban sa deadly virus.

Ang vaccine ng Moderna ay sisimulan ang trial sa buwan ng Hulyo, ang Oxford/AstraZeneca naman ay sa Agosto habang ang Johnson & Johnson ay pagsapit ng Setyembre.

Sinasabing ang bawat phase ng tatlong trials ay gagawin sa mahigit 50 lugar sa Amerika at posible rin daw sa ibang mga bansa.

Kinumpirma naman ni Dr. Fauci na ang good news ay mahigit isang vaccine na ang lumalabas na nasa advanced clinical testing nitong buwan.

Una nang sinabi ng World Health Organization na umaabot na sa 10 mga vaccines ang patuloy ngayon sa human trials habang nasa 126 na iba’t ibang uri pa ng gamot ang sinusuri na rin.