Tina-target ng Land Transportation Office sa Cebu na maipamahagi ang nasa 300,000 na license plates sa buong lalawigan bago matapos ang taong 2024.
Katumbas ito ng kalahati ng kabuuang bilang ng mga unclaimed licensed plates noong nakaraang taong 2023 na halos pumapalo ng hanggang 600,000.
Ayon kay LTO Cebu City District Office Joel Malolos-on, ang naturang bilang ay maituturing na Achievement ng ahensya lalo na’t marami na rin aniyang mga plaka ang kanilang naipamahagi na mula pa noong Agosto 2023.
Kaugnay nito ay iniulat din ng opisyal na mayroon na silang na-dispense na nasa 183,000 na plaka noong Abril 22, 2024, at araw-araw aniya ay nakakapag-release din sila ng license plates ng aabot sa 4,000 hanggang 5,000 ang bilang.
Samantala, sa datos mula noong Hunyo 9, 2023 hanggang Abril 22, 2024 ay umabot na sa 163,322 motorcycle plates ang nailabas ng ahensya habang nasa 19,858 naman na mga plaka ang inisyu na para sa mga motor vehicle.
Kaugnay nito ay una na rin sinabi ni LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza II na aabot sa 600,000 plates ang kanilang estimated data na na-accumulate mula 2018 hanggang 2023, kung saan 530,000 ay pawang mga motorsiklo, at 140,000 naman ang motor vehicles.