Nakabalik na sa bansa ang kabuuang 302 Pilipino mula Singapore, Algeria, Japan, Germany at France sa pamamagitan ng repatriation program ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa gitna ng coronavirus pandemic.
Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na sa tulong ng mga Embahada ng Pilipinas sa Singapore at Tripoli ay napauwi sa bansa ang 132 overseas Filipino workers (OFWs) sa Singapore at 121 mula Algeria.
Maliban dito, balik-bansa rin ang apat na mga OFWs mula sa Japan, siyam na mandaragat ng MS Arena at MS Albatrol sa Germany, at 36 crew members ng Celebrity Apex cruise ship mula sa France.
Ang mga Embahada ng Pilipinas sa Berlin at Paris, Philippine Consulate sa Frankfurt; at manning agencies na BSM at RCCL ang nag-asikaso sa pag-uwi ng mga Pinoy seamen.
Sumailalim ang lahat ng mga OFWs sa medical assessments at rapid testing sa mga one-stop-ships sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 at 2.
Tiniyak din ng one-stop-ship na naasistehan ang lahat ng mga OFWs sa kanilang pagbabalik sa bansa.
Matapos nito, sasailalim ang mga OFWs sa 14-day quarantine sa mga hotel na accredited ng Bureau of Quarantine.