-- Advertisements --

Lampas na sa 32,000-mark nang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19 sa Pilipinas, matapos na iniulat ng Department of Health (DOH) ang 303 na bagong nasawi.

Sa ngayon, 32,264 na ang COVID-19 death toll sa bansa, o katumbas ng 1.73 percent ng kabuuang bilang ng naitalang COVID-19 infections.

Kabilang sa iniulat na bagong nasawi ay ang 161 cases na unang kinonsidera bilang recoveries, ayon sa DOH.

Sa kanilang latest report, sinabi ng kagawaran na 12,067 ang bagong naitalang COVID-19 cases, na pinakamababa sa nakalipas na anim na araw.

Dahil dito, umakyat na sa 1,869,691 ang total confirmed COVID-19 cases sa bansa mula noong nakaraang taon, kung saan 127,703 o 6.8 percent dito ay pawang nagpapagaling pa o iyong kinukonsiderang active cases.

Samantala, ang recoveries naman ay nadagdagan ng 14,565, dahilan para umakyat ang kabuuang bilang sa 1,709,724.

Ito ay katumbas ng 91.4 percent ng total cases.

Aabot naman sa 10 laboratoryo ang bigong makapagsumite ng data nang sakto sa oras sa DOH.

“Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 10 labs na ito ay humigit kumulang 3.9% sa lahat ng samples na naitest at 4.4% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” bahagi ng DOH advisory. “Sa mga susunod na araw ay maari pang tumaas ang ating mga kaso ng COVID-19. Ang pagsunod sa minimum public health standards, maiging paggsasagawa ng PDITR strategies, at pagpapabakuna ay nananatiling pinakamabisang depensa sa COVID-19. Mahalaga rin na tayo ay magisolate at makipagugnayan sa BHERTs kung tayo ay may sintomas ng COVID-19. Ang maagang konsultasyon at pagpapatest ay makatutulong upang maputol ang hawaan sa mga bahay, komunidad, at sa mga lugar na pinagtatrabahuhan.”