Nakatakdang ipa-deport ang 30,000 dayuhang manggagawa na nagtra-trabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) matapos ipagbawal na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng POGO sa bansa.
Ayon kay Presidential Anti-Corruption Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio, 27 Chinese nationals ang nakatakdang ipadeport pabalik sa kanilang bansa. Aniya, nasa 33 ang inisyal na bilang ng apektadong manggagawa subalit 6 sa kanila ang hi-nold muna dahil sa kanilang existing hold departure order sa iba’t ibang bansa.
Ang hamon aniya sa ngayon ay ang mga nagtra-trabaho sa ilegal na POGOs subalit umaasa naman ang PAOCC sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay mapa-padeport ang malaking bilang kung hindi man lahat.
Ayon sa PAOCC official ang mga banyagang nagtratrabaho sa ilegal na POGO ay ilalagay sa immigration blacklist at hindi na papayagang makapasok muli ng bansa subalit ang mga legal na dayuhang manggagawa ay maaari aniyang makabalik sa bansa.
Matatandaan na nitong mga nakalipas na araw, napa-deport na ang nasa 27 Chinese nationals na may kaugnayan sa ilegal na POGOs na ni-raid sa Bamban, Tarlac at Pasay city.