-- Advertisements --

CEBU CITY – Arestado ang isang ina matapos umanong nilunod ang kanyang 11-month old na sanggol sa loob ng tinutuluyang dormitoryo sa Brgy. Sto. Niño, sa lungsod ng Cebu.

Nahuli ng otoridad ang inang si Kimmy Paclibar, 31-anyos at tubong Misamis Occidental.

Base sa imbestigasyon ng PNP, lumuwas ang mag-ina kasama ang ama nitong 60 years old sa Cebu upang ipagamot ang sanggol sa isang albularyo.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Alvin Itona ng Waterfront Police Station, sandaling lumabas ang lolo ng sanggol upang bumili ng tubig.

Laking gulat na lang ng lolo nang bumalik ito sa tinutuluyan nilang dormitoryo at napag-alamang nilunod umano ng ina ang sarili nitong anak sa loob ng balde sa kanilang palikuran.

Dinala agad sa pagamutan ang sanggol ngunit binawian ito ng buhay at dineklarang dead on arrival.

Dagdag pa ni Itona na aalamin pa nila kung bakit nilunod umano ni Paclibar ang sarili nitong anak.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Waterfront Police Station at nahaharap naman sa kasong parricide.