BUTUAN CITY – Pumalo pa sa 87 ang kabuuang kaso ngayon ng COVID-19 sa Caraga Region matapos madagdagan ng 31 mga bagong kaso ngayong Lunes.
Sa isinagawang virtual presser, kinumpirma ito ni Department of Health (DOH) Caraga regional director Jose Llacuna Jr. matapos matanggap ng kanilang tanggpan ang 130 resulta ng RT-PCR tests mula sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City.
Sa naturang resulta, 98 ang nagnegatibo habang 38 naman ang nagpositibo kasama na rito ang follow-up tests nina mga cases numbers 12, 14, 24, 25, 27, 29 at 30 kung kaya’t 31 ang bagong nadagdag na kumpirmadong COVID-19 cases sa Caraga.
Kasama na rito ang bagong tatlong kaso sa lungsod ng Butuan; tig-iisa sa Cabadbaran City at Buenavista, Agusan del Norte; apat sa Surigao City; habang sa lalawigan ng Surigao del Norte nagtala ng tatlong kaso ang bayan ng Alegria; dalawa sa Placer; walo sa Claver; at tigdadalawa sa mga bayan ng Malimono at Socorro.
Samantala sa Surigao del Sur, dalawa naman ang naitala sa bayan ng Cantilan habang tig-iisa naman sa Tandag City at Bislig City.
Sa naturang mga bagong kaso, 27 ang mga asymptomatic o walang ipinapakitang kahit na anumang sintomas habang 4 naman ang may mild symptoms at admitted na sa iba ‘t ibang health facilities nitong rehiyon.
Malaki ang pasasalamat ng opisyal dahil sa pinakahuling natanggap nilang resulta ay wala nang nadagdag sa unang naitalang tatlong local transmission sa Butuan.