-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Matapos makapagtala ng magkasunod na kaso ng coronavirus disease o Covid-19, isinailalim sa surgical lockdown ang dalawang zone ng isang barangay sa isla ng Boracay.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista na alinsunod sa rekomendasyon ng Malay Inter Agency Task Force Against Covid-19 ay inilabas ang Executive Order No. 021 kung saan isinailalim ang Zone 5 at 6 sa mas mahigpit na restrictions mula Marso 28 hanggang Abril 10, 2021.

Kaugnay nito, nasa 31 na DOT-accreditted accommodation establishment na kinabibilangan ng mga hotels at resorts ang apektado ng surgical lockdown na magtatagal sa loob ng 14 na araw.

Dahil dito, pinagsabihan na lamang ng Malay IATF ang mga turista na kasalukuyang nasa apektadong lugar na limitahan ang galaw hanggang sa mabigyan ang mga ito ng quarantine pass na magmumula sa barangay.

Samantala, ang mga papasok na mga turistang may booking sa mga establisyimentong nasa critical zone ay hinikayat na lumipat na lamang sa iba pang DOT-accredited accommodation establishments sa mga lugar na hindi apektado ng surgical lockdown.

Nabatid na kailangan pa rin na magpakita ng booking document mula sa accommodotion establishment, QR codes at Negative RT PCR result o saliva based RT-PCR result ang mga turista bago payagang makapasok sa isla ng Boracay.