BACOLOD CITY – Nakalaya na ang 31 sa 42 indibdwal na inaresto ng mga pulis sa ikinasa nitong raid sa apat na sinasabing opisina ng progresibong grupo sa lungsod ng Bacolod noong October 31.
Batay sa resolusyon na inilabas ni Assistant City Prosecutor Fernand Castro, nakasaad na walang sapat na basehan para sampahan ang mga pinalayang naabutan sa opisina ng Anakpawis, Kilusang Mayo Uno at Gabriela noong operasyon.
Mula sa 42 inaresto, apat ang nahaharap sa bailable na kaso, pito ang non-bailable, habang 31 ang naabswelto.
Kabilang sa mga pinalaya ay 21 na mga dating empleyado ng Vallacar Transit Inc.
Nagkataong lang daw na nasa opisina ng KMU ang mga ito upang magkonsulta kaugnay ng kanilang labor concerns.
Kahapon, naghintay pa ang fact-finding team ng Makabayan bloc ng ilang oras sa labas ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOPPO) headquartes matapos harangin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sinabi ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate na malinaw na hakbang ito ng Duterte administration para buwagin ang mga progresibong grupo sa Negros.
Sa kabila nito, tiniyak ni Zarate na kanilang depensahan ang 11 indibidwal na naiwan sa kulungan.