-- Advertisements --

Nakapagtala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng 31 katao na nasugatan habang mahigit 300 kabahayan naman ang napinsala kasunod ng pagtama ng magnitude 5.8 na lindol sa San Francisco, Southern Leyte noong araw ng Huwebes, Enero 23.

Sa inisyung latest bulletin ng ahensiya isang araw matapos ang pagyanig, nakatanggap ito ng mga report kaugnay sa 31 kataong nasugatan sa lindol at nagpapatuloy naman ang pag-validate sa naturang impormasyon.

Sa kabutihang palad, walang naitalang nasawi o nawawala dahil sa lindol.

Samantala, mayroon namang 6 na bahay ang napaulat na totally damaged habang nasa 342 bahay ang bahagyang napinsala.

Nadadaanan naman na ang nasa 2 kalsada at isang tulay na naapekuhan ng pagyanig.

Sa imprastruktura naman, nasa 49 ang napinsala sa Southern Leyte.

Nitong umaga ng Biyernes, iniulat ng PHIVOLCS na nakapagtala na ito ng mahigit 160 aftershocks.