Nakabalik na umano sa trabaho ang 31 empleyado ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) makaraang makarekober na sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Department of Health spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire, nakatanggap na raw ng dalawang negative test results ang nasabing mga tauhan ng RITM.
Samantala, siyam pa ang naghihintay ng resulta ng kanilang ikalawang test, na posibleng dumating ngayong araw ng Linggo o sa Lunes, habang nananatili sa tinutuluyan nilang dormitory.
Inihayag ni Vergeire na umaasa ang RITM na sa pagbabalik ng kanilang mga staff, makakatulong ang mga ito sa kasalukuyan nilang testing capacity na 2,700 tests kada araw.
Nag-request na rin aniya sila ng karagdagang 400 katao upang tumulong sa pagproseso ng mga sample sa RITM.