-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Sinaksihan ng mga magulang at mga kamag-anak ang pagtatapos ng 317 candidate soldiers ng 5th Infantry Division Phil. Army na nakahimpil sa Camp Melchor Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.

Sa Class 580 2019 ay nanguna si candidate soldier Major John Ballesteros ng Dicamay Uno, Jones, Isabela na mayroong average na 94.89%, pumangalawa si Jervis Pagulayan ng Ilagan City Ilagan na mayroong average na 94.84% at si Harold Gayaman ng Mountain Province na nakakuha ng 94.55% average.

Samantalang sa Class 581 2019 ay nanguna si Candidate Soldier James Toribio sa non academic at academic na may average na 92.69%.

Si Toribio ay residente ng Upi, Gamu, Isabela.

Pumapangalawa si Candidate soldier Ronvanne Pangipang na mula sa Pasil, Kalinga na may avarage na 92.16% at pumangatlo si Candidate Soldier Roland Awing ng Tabuk City,Kalinga na mayroong avarage na 91.69%.

Nanguna naman sa Physical Fitness Test ng Class 580 si John Christopher Ilustrado ng Balingit, Pamplona, Cagayan na nakakuha ng average na 99%

Si James Toribio ang nanguna sa Physical Fitness test ng Class 581 na mayroong average na 97.50%

Samantala, sa naging mensahe ni Major General Pablo Lorenzo, Commanding General ng 5TH ID ay nagbigay siya ng pasasalamat sa mga magulang ng mga bagong sundalo at kanyang binigyang diin na ang mga sundalo ay hindi na para sa kanilang pamilya kundi magsisilbi na sa mga mamamayan at bayan.

Hinamon din niya ang mga sundalo laging alalahanin na mayroong Dios na kanilang tatakbuhan sa hirap man at ginhawang kanilang mararanasan sa pagiging sundalo.

Hinamon din ni Most Reverend Prudencio Andaya, Apostolic Vicariate ng Tabuk City, Kalinga ang 317 na bagong sundalo na maging ehemplo ng mga kabataan bilang mabuting mamamayan ng bansa

Naging panauhing pandangal sa nasabing graduation ceremony ng 2019 Alibtak Class at 2019 Magliyab Class si Most Reverend Andaya.

Hinamon niya ang mga sundalo na magsilbing ilaw ng mga kabataan.

Naniniwala anya siya na matapos sumailalim sa masusing pagsasanay ang mga bagong sundalo ay handa na nilang gampanan ang kanilang tungkulin na pagsilbihan at protektahan ang bansa at kalayaan ng mga mamamayan.