-- Advertisements --

Makalipas ang mahigit dalawang linggo, pormal na ring isinara kagabi doon sa Hanoi, Vietnam ang 31st Southeast Asian Games sa isang makulay at magarbong programa.

Isinagawa ang selebrasyon sa indoor sports complex ng Vietnam na may capacity na 3,000 katao.

Ito ay sinabayan naman ng pagbuhos ng ulan sa labas ng venue.

Mas maliit na ang naturang bilang kumpara sa opening ceremony na halos magsiksikan ang libu-libong mga atleta sa My Dinh stadium.

Ang delegasyon ngayon ng Pilipinas na pumang-apat na puwesto sa final medal tally, ay naiwan na lamang ang kakarampot na grupo ni chef de mission at Phil. Sports Commission Commissioner Ramon Fernandez dahil ang bulto ng mga Pinoy athletes ay nakabalik na ng Pilipinas.

Hindi na rin pumarada ang mga atleta sa seremonyas kagabi.

Idineklara naman ni Vietnam Prime Minister Pham Minh Chinh ang pagtatapos na ng Games at pagdedeklara bilang pinakamatagumpay sa kabila na na-delay ito na noon pa sanang nakaraang taon pero naging matindi ang COVID pandemic.

Samantala, pormal na ring na-turn over ang responsibilidad ng 32nd edition ng SEA Games ng 11 mga bansa kung saan gaganapin naman ito isang taon mula ngayon doon sa bansang Cambodia.