ROXAS CITY – Nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang 32-anyos na buntis na babae at isang Locally Stranded Individual (LSI) mula sa Tondo, Manila at residente ng Barangay Bita, Dao, Capiz.
Ito ang inihayag ni Mr. Wilmor Robles ng Dao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) nang ma-interview ng Bombo Radyo Roxas.
Ang naturang pasyente ay asymptomatic o hindi nakaramdam ng anumang sintomas ng naturang sakit.
Kinumpirma ni Robles na nagpositibo sa COVID-19 ang hindi na pinangalanang LSI matapos na isinailalim ito sa Real Time-Polymerase Chain Reaction Test o RT-PCR test noong Hunyo 29 ngunit araw ng Biyernes Hulyo 10, 2020 dumating ang kanyang resulta.
Matatandaan na dumating itong noong Hunyo 26, 2020 sa lalawigan at agad na isinailaim sa RDT iGg/iGm o Rapid Test ngunit nag negatibo ang kanyang resulta.
Kahit, nag negatibo ito sa naturang test isinailalim pa rin ito sa 14 day quarantine.
Sinabi pa ni Robles na tapos na sana ang 14 day quarantine ng naturang pasyente sa Hulyo 10 ngunit hindi inaasahan na magpositibo ito sa naturang virus.
Maliban dito, nakatakda rin isailalim sa COVID-19 test ang mga LSI’s na nakasama nito sa pag-uwi sa lalawigan ng Capiz at nakasalamuha nitong pamilya.
Nabatid na nakasakay pa ito sa ambulansya ng Panay mula sa lungsod ng Iloilo at sinasabi na mayroon pa itong apat na iba pang kasamahan na residente ng Panay.
Sa ngayon, nanatili sa Roxas Memorial Provincial Hospital (RMPH) ang naturang pasyente at patuloy na ginagamot.
Nabatid na ito ang pinakaunang LSI at nagkataon na buntis pa ito nang magpositibo sa COVID-19 sa lalawigan ng Capiz.