-- Advertisements --

Pumalo na sa 32 bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) members ang napatay simula nang magtakda ng anim na buwang deadline si Pangulong Rodrigo Duterte para pulbusin ang teroristang grupo.

Ayon kay AFP Western Mindanao Command spokesperson Capt. Joan Petinglay na bukod sa mga nasawing ASG members ay nakapagtala rin sila ng 22 sugatang bandido; 13 naaresto at dalawa ang sumuko.

Habang sa panig ng militar, nasa 28 ang nasugatan habang anim dito ang inilipad patungong Maynila para sumailalim sa medical treatment.

Huling nakalaban ng militar ang bandidong grupo noong linggo ng madaling araw sa may mangrove areas na lubog sa putikan.

Sinabi ni Petinglay na kalkulado ang galaw ng mga sundalong tumutugis sa mga bandido dahil may mga impormasyon silang natatanggap na bitbit ng mga ASG sa kanilang pagtakbo ang kanilang mga bihag na siyang nagpapahirap anya sa bawat operasyong isinasagawa ng militar dahil kanila din isinaalang-alang ang buhay ng mga bihag.