Umakyat na sa 32 ang naitalang namatay dahil sa viral infection na dengue sa rehiyon ng Soccsksargen habang nagpapatuloy naman ang pagtaas ng mga kaso nito na kung saan ay nakapagtala na ang Department of Health (DOH 12) ng 9,042 na mga kaso mula Enero hanggang Hunyo 15 nitong taon.
Ayon kay Roxfrestopher Boholst, ang mosquito-borne disease coordinator ng DOH 12, sinabi nito na mas mataas ng 40% ang naitalang kaso ng dengue sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Ang North Cotabato ay may pinakamataas na kaso ng namatay dahil sa dengue na may 15, sinundan naman ito ng South Cotabato na may 7, Sultan Kudarat 5, GenSan 4, at 1 naman ang namatay sa probinsiya ng Saranggani.
Hinihikayat naman ni Boholst ang publiko na mas palakasin ang 4S strategy o ang search and destroy; seek early consultation; self-protection measures; and say yes to fogging during outbreaks, upang mapuksa ang mga lamok na siyang may dala ng dengue virus.