-- Advertisements --
NVOC
IMAGE | Usec. Cabotaje’s presentation/DOH

MANILA – Tinatayang 320,586 na Pilipino mula sa priority sector ang “fully vaccinated” o tapos nang maturukan ng dalawang doses ng COVID-19 vaccine.

Batay sa datos ng Department of Health, as of May 4, nasa 2,065,235 doses ng bakuna ang naiturok ng pamahalaan matapos ang dalawang buwan na vaccine rollout.

Ang 1,744,649 daw sa mga ito ay nabigyan ng unang dose.

Pinakamarami sa mga nakakumpleto na ng dalawang vaccine shot ang hanay ng mga healthcare workers na nasa 284,065.

Sumunod ang mga may comorbidity o ibang sakit, nanasa 31,555; at mga senior citizens na nasa 4,966.

May 7,342 frontline personnel mula sa essential sector o A4 priority group na nabigyan ng unang dose.

NVOC2
IMAGE | Usec. Cabotaje’s presentation/DOH

Ayon kay Health Usec. Myrna Cabotaje, simula noong Pebrero, aabot na sa higit 4.40-million doses ng bakuna ang natanggap ng Pilipinas mula sa donasyon at mga binili ng pamahalaan.

“Lahat ito ay na-deploy na sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas, karamihan ay nasa NCR Plus. Yung naiiwan na lang diyan ay buffer para sa ating National Vaccine Operation Center.”

Kumpiyansa si Cabotaje na marami pang Pilipino ang mababakunahan, lalo na’t aprubado na rin ng Food and Drug Administration ang emergency use ng Moderna vaccine.

May inisyal din daw kasi na 194,000 doses ng Moderna vaccine na binili ang pamahalaan at private sector.

Hindi naman isinasantabi ni Cabotaje, na chairperson ng NVOC, ang posibilidad na maapektuhan ang supply ng bakuna sa bansa dahil sa maantalang delivery ng Indian-manufactured vaccines.

“Pero may dalawang strategy naman tayo sa prioritization. Una yung sectoral, ibig sabihin yung mga priority ang uunahin natin. Tapos yung geographic, kung saan maraming kaso doon tayo magco-concentrate sa pagbibigay ng bakuna.”