-- Advertisements --

DAVAO CITY – Tinatayang nasa 33 na mga mag aaral sa Grade 10 at dalawang guro ng Pablo M. Piatos Sr. Integrated School sa Brgy. San Isidro, Bunawan, Davao City ang isinailalim ngayon sa monitoring matapos mabiktima ng food poisoning.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Davao kay Jocelyn Arcite, midwife sa Barangay San Isidro Health Center, kinumpirma mismo nito ang insidente na kung saan ang kinaing tinapay at kape ang itinuturing na dahilan ng food poisoning.

Napag alamang napagpasyahan ng buong section ng mga mag aaral na tinapay at kape ang kakaining morning break snack nitong nakalipas na araw.
Tanghali ng araw ding iyon ay sunod sunod na ang pagdulog ng mga biktima sa Barangay Health Center, matapos makaranas ang mga ito ng sintomas ng diarrhea.

Sa ngayon nag abot na ng tulong pinansyal ang barangay council para sa mga biktima.
Nagpapatuloy rin ang imbestigasyon ng otoridad at iilan sa mga itinuturong dahilan ay ang biniling tinapay ng mga guro, ang tubig na pinagtimplahan ng kape at ang heater na ginamit sa pagpapainit ng tubig.

Inaantabayan nalang ng district sanitary official ang resulta sa eksaminasyon sa water sample at food sample. Nanatiling tikom naman ang bibig ng Bgry. San Isidro Council hinggil sa nangyaring food poisoning.