-- Advertisements --

(Update) BILIRAN – Pahirapan pa rin hanggang ngayon ang isinasagawang search and rescue operations sa mga nawawala pang mga residente dulot ng landslides sa ilang bahagi ng probinsiya ng Biliran.

Sa ulat ni Bombo Joshua Camacho mula sa Biliran, napansin na nasa state of decomposition na ang mga bangkay na narerekober kaya idinediretso na lamang ito sa sementeryo matapos ipaalam sa mga may missing na mga kanaak para makilala kung sakali.

Landslide in Lucsoon, Naval, Biliran (photo from biliranisland.com)

Inamin naman ni Raoul Villordon, Naval municipal disaster risk reduction management officer (MDRRMO), nangangamba sila na wala ng survivor sa nangyaring trahedya kaya naman search and retrieval operations ang kanilang ginagawa.

Kahapon may 12 pang bangkay na naaagnas na ang kanilang narekober liban ito sa pito pang katawan na na-retrieve sa nakalipas na mga araw.

Meron pa raw silang hinahanap na 10 pang katao.

Nagbibigay din ng malaking problema sa mga rescue team ang nakatambak na malalaking tipak na bato, maputik na lupa at rumaragasa pa ring tubig mula sa naputol na tubo ng water district sa lugar.

Gumagamit na rin ng mga heavy equipments ang grupo ng Bureau of Fire Protection at iba pang tumutulong para mas mapabilis ang paghuhukay.

Barangay Lucsoon, municipality of Naval, Biliran province (photo from website biliranisland.com)

Napansin naman ng Bombo Radyo na ang isang lugar na nagkaroon ng landslide sa Barangay Lucsoon sa Naval ay landslide prone area na nasa gilid lamang ng bundok.

Sinasabing ang walang tigil na buhos ng ulan ang nagpalambot sa lupa na siyang nag-trigger ng landslide.

Nagbalik tanaw ang ilang mga residente na bago pa man ang bagyo ay kumpiyansa sila dahil kahit noong panahon ng supertyphoon Yolanda ay wala namang trahedya na kasinglaki na nangyari sa kanilang lugar.

Ito aniya ang kabilang sa mga dahilan kaya maraming mga residente ang hindi na lumikas.

Sa kabilang dako iniulat naman ni Biliran Provincial Disaster Risk Reduction Management Council head Jun Dacillo, umakyat na sa 33 ang patay sa Biliran habang patuloy pang hinahanap ang 23 mga residente na nawawala.