-- Advertisements --

Inanunsyo ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na in-exempt ng administrasyong Donald Trump ang $336 million pondo para sa modernisasyon ng military forces ng Pilipinas mula sa U.S. foreign aid freeze.

Ang naturang pahayag ay matapos ang isang pulong balitaan ngayong Lunes matapos kumpirmahin ni Romualdez na natanggap nila ang pahayag ng Estado Unidos tungkol sa exemption na ito.

Samantala ang $336 million ay bahagi ng $500 million na foreign military financing (FMF) na inaprubahan naman ng Kongreso ng Estados Unidos noong nakaraang taon sa ilalim ng administrasyong Biden.

Itinuturing naman ng embahada na ang desisyong ito ay isang mahalagang resulta sa pagsisikap ng bansa na matamo ang magandang alyansa sa Estados Unidos na nagpapakita aniya ng malalim na ugnayan ng gobyerno ng Pilipinas sa administrasyong Trump.

Kaugnay pa nito ang $500 million na military aid ay ipinagkaloob ng U.S. sa Pilipinas upang palakasin ang military forces ng bansa.

Ang naturang tulong ay nagpapakita lang ng bipartisan support mula sa Kongreso ng Estados Unidos na maituturing namang mahalaga para sa modernisasyon ng Philippine Armed Forces partikular sa maritime military forces ng bansa kasunod ng tumitinding tensyon sa China, na paulit-ulit na nanghaharas sa mga barko at eroplano ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Maaalalang pagupo ni US President Donald Trump sa White House noong buwan ng Enero ay iminungkahi na nito ang pag hinto sa mahigit $5.3 billion tulong para sa mga foreign aid ng bansa kasunod ng 90-araw na pagpataw nito ng ”pause” sa foreign development assistance ng bansa.

Kung kaya’t ang Pilipinas, kabilang si Foreign Secretary Enrique Manalo, ay humihiling ng paglilinaw mula sa US tungkol sa mga programang maaapektohan ng foreign aid freeze at nakipag-ugnayan din sa US tungkol sa mga destabilizing action ng China sa WPS.