-- Advertisements --
lapu lapu mandaue cebu

CEBU CITY – Nagsampa na ng kaso ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa apat na mga Chinese-nationals na umano’y nambugaw sa isinagawang entrapment operation sa Brgy. Agus, sa lungsod ng Lapu-Lapu, Cebu.

Ito ay kasunod ng pagka-rescue sa 34 na female Chinese-nationals na nagtatrabaho umano sa isang KTV bar sa naturang lugar bilang mga guest relation officer (GRO) pagkatapos ibinugaw ng mga nahuli.

Huli sa naturang operasyon sina Zeng Dan, Quan Yiqing, Xiuzhu Wei, at Xiushen Wie sa bisa ng search warrant na inilabas ng Lapu-Lapu City RTC.

Ayon kay NBI-CEVRO director Atty. Tomas Enrile na pagmamay-ari umano ng Chinese nationals ang nasabing bar ngunit tanging mga Chinese lang ang makakapasok sa naturang establisiyemento.

Base sa pagsisiyasat ng undercover agents, kailangan umanong magbayad ng P35,000 ang isang customer kapalit ng serbisyo mula sa mga GRO.

Dagdag pa ni Atty. Enrile, na-recruit umano ang mga babaeng Chinese upang magtrabaho sa isang legal online gaming operation ngunit ginawa silang tagapagbigay-aliw sa mga lalaki nang dumating sa bansa.

Nahaharap ang apat na mga Chinese nationals sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking of Persons Act habang nagsagawa pa rin ng malalimang imbestigasyon ang NBI.

Nakikipag-ugnayan na rin ang NBI-CEVRO sa Chinese Consular Office at Bureau of Immigration sa susunod pang mga hakbang alinsunod sa naturang operasyon.