Nasa 34 bloke ng hinihinalaang cocaine ang narekober ng dalawang mangingisda sa karagatan ng Purok Santan, Barangay Bungtod, Tandag City, Surigao del Sur kaninang alas-6:30 ng umaga.
Ayon kay PNP CARAGA regional police director CSupt. Gilbert Cruz, iniulat sa kanila ng mga mangingisda sa lugar na may nakita silang palutang-lutang na itim na plastic sa karagatan, na naglalaman pala ng narekober na cocaine.
Naniniwala si Cruz na kasama ito sa mga nauna nang narekober na bloke ng cocaine sa baybayin ng Dinagat Island at Siargao.
Tinatayang aabot sa P231-M ang halaga ng narekober na 34 bloke ng cocaine.
Una rito, binigyan na ng isang sako ng bigas o P2,000 na gantipala ng PNP ang mga mangingisda na nakarekober ng mga bloke ng cocaine.
Pinapurihan naman ng PNP ang dalawang mangingisda na nakilalang sina Ronnie Navales at Ryan Apelo.
Samantala, ayon naman kay PNP Spokesperson SSupt. Bernard Banac, ang pagkakadiskubre sa ng panibagong bloke ng cocaine ay bunsod sa information drive na pinangunahan ni Cruz.
Ayon kay Banac, ang mga narekober na kontrabando ay dinala na sa Police Regional Office 13 headquarters para sa kaukulan pang eksaminasyon.
Nilinaw naman din nito na ang narekober na 34 bloke kaninang umaga ay hindi pa kasama sa unang 92 kilos na nakumpiska na ng PNP na nagkakahalaga ng P500 milyon.
Naniniwala si Banac na iisa lamang ang pinanggalingan ang mga cocaine na ito.
Aniya, batay sa mga nakikita nila may katagalan na ang pagkakabad ng cocaine dahil may lumot na ang iba.
Hinahanap na rin sa ngayon ng PNP ang mga tracking device ng mga cocaine na ito. (with reports from Bombo Radyo Butuan)