-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Pumalo sa bilang na 34 ang naitalang dengue case sa bayan ng Kabacan, Cotabato nitong nagdaang ikatlong quarter ng taon mas mataas ng 45% kumpara sa nakalipas na taon at kaparehang quarter sa bilang na 19.

Batay sa datos ng Kabacan Epidemiological Surveillance Unit, mula sa 11 barangay ang nasabing mga kaso.

Sa kabuuan, mayroong 15 mula sa Brgy. Poblacion, apat mula sa Brgy. Kayaga, tigtatlo naman mula sa mga barangay ng Osias at Aringay, tigdalawa sa Brgy. Bannawag at Upper Paatan, habang tig-iisa mula sa mga Brgy. ng Dagupan, Katidtuan, Malamote, Paatan, at Pedtad.

Ayon kay MHO Dr. Sofronio Edu, Jr., walang dapat ikabahala ang publiko lalo pa’t batay sa datos ay hindi napabilang ang numero sa alert threshold ng bayan.

Bagamat ganito ang dami ng kaso, nagpapatuloy parin ang panawagan ni Kabacan Mayor Herlo Guzman, Jr. sa mga Kabakeño na mag-ingat at laging bantayan ang mga pupuwedeng bahayan ng lamok na may dalang dengue o ano mang sakit.

Puspusan naman ang paghikayat ni ABC President Evangeline Pascua-Guzman sa mga brgy. kapitan ng bayan na tulungan ang mga volunteer BNS at BHW sa adhikain na maimpormahan ang publiko lalo’t batay sa report ng Pagasa ay magtatagal pa ang rainy season hanggang sa susunod na taon.

Samantala, muli namang siniguro ni Mayor Guzman na handa ang LGU sa mga barangay na magre-request na magsagawa ng fogging.