-- Advertisements --

Umabot sa 34 ang na-monitor umanong pagkakamali ng Department of Education (DepEd) sa mga self-learning modules na ipinagagamit sa mga mag-aaral para ngayong school year.

Sa isang virtual briefing, sinabi ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio na magkakaiba raw ang nakita nilang mga error sa naturang mga modules.

Paglalahad pa ni San Antonio, ilan sa mga ito ang maling pagpipilian sa multiple choice, kulay sa printing, paggamit ng mga salita, at mga imaheng na-overstretch.

“‘Yung ating self-learning modules na ginagamit sa ating mga paaralan ay iba-iba ang may gawa,” wika ni San Antonio.

“Sang-ayon sa aming report na nakuha, doon sa 35 instances na may mali, ang kinoconfirm namin na may mali na talagang dumaan sa aming team na nagreview ay isa,” dagdag nito.

Nakatakda naman daw mag-isyu ng erratum ang DepEd kaugnay sa mga pagkakamali sa materials.

Maliban pa rito, ayon sa opisyal ay naka-monitor din daw sila ng errors sa mga modules na dinisenyo ng kanilang mga field units na gimamit lamang sa piling mga lugar.

Sa ngayon ay nasa proseso pa raw sila ng pagtukoy sa pinagmulan ng mga modules na may mali, na posibleng ginagamit daw sa mga pribadong paaralan.