Nakapagtala ang Department of Health ng 34 na kaso ng heat-related illness sa gitna ng nararanasang mataas na heat index sa ilang parte ng bansa.
Base sa event-based surveillance and response system ng DOH, nasa 34 heat-reated illness cases ang naitala mula Enero 1 hanggang Abril 18 ng kasalukuyang taon. Ito ay naitala sa Central Visayas, Ilocos Region at Soccsksargen.
Sa kasamaang palad, 6 dito ang naitalang namatay at kasalukuyang kinukumpirma ng DOH ang sanhi ng ikinamatay ng mga ito.
Karamihan sa mga kaso ng heat -related illness na naitala sa nakalipas na taon ay noong 2023 na mayroong 513 cases.
Kaugnay nito, nagbabala ang DOH sa publiko laban sa heat-related illnesses na maaaring maging talamak ngayong matindi ang init ng panahon gaya ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.
Pinapayuhan din ng ahensiya ang publiko na uminom ng maraming tubig at manatili sa lugar na nasa lilim o sa malamig na lugar.
Dapat ding limitahan ang outdoor activities sa pagitan ng 10am hanggang 4pm, gumamit ng panangga sa direktang sikat ng araw para maiwasan ang sunburn gaya ng pagsusuot ng sumbrero, payong at sunblock at magsuot ng maluwag o komportableng damit.