(Update) Tinatayang nasa 34 pasahero ang sugatan sa salpukan sa pagitan ng isang pampasaherong bus at trailer truck sa bahagi ng Malate, Maynila dakong alas-9:46 nitong Martes ng gabi.
Batay sa impormasyon, nangyari ang trahedya sa panulukan ng San Marcelino Street at Remedios Street.
Nanggaling umano ang sangkot na isang unit ng Kersteen Bus sa terminal sa Lawton, at patungo nang lungsod ng Tagaytay.
Base sa CCTV footage ng Barangay 689 sa Maynila, patawid na umano ang bus sa intersection nang makabanggaan nito ang trak.
Makikita ring tumama ang unahang bahagi ng truck sa likurang parte ng bus, rason para mabasag ang salamin nito at tumagilid pakanan.
Sa kasalukuyan, lumalabas na out of line ang bus dahil sa hindi nito tinahak ang tamang ruta nito sa Taft Avenue.
Hawak na rin sa ngayon ng mga kinauukulan ang mga driver ng dalawang sasakyan.
Nilalapatan na rin ng lunas ang mga biktima kung saan isa rito ay isinugod na sa Philippine General Hospital para sa karagdagang atensyong medikal.