Nakapagtala ang Provincial Veterinary Office ng Negros Occidental ng kabuuang 3,421 na namatay na hayop sa naturang probinsya dahil sa epekto ng pagputok ng bulkang Kanlaon.
Ang mga naturang hayop ay hinihinalang naapektuhan sa malawakang ashfall na nangyari kasunod ng pagputok, at mataas na sulfur dioxide emission ng bulkan.
Batay sa tala ng ahensiya, kabuuang 3210 na manok ang namatay habang ang ang nalalabing 211 ay binubuo ng mga baka, kalabaw, kambing, baboy, at tupa.
Lumalabas din sa ilang mga pagsusuri na isinagawa ng naturang opisina na nagkaroon ang mga ito ng respiratory infection at problema sa pagkain o digestive problem, dahil na rin sa pagkakalanghap at matagal na exposure sa sulfur.
Maalalang kasunod ng naging pagputok ng bulkan ay ilang serye ng veterinary medical mission ang isinagawa sa mga barangay upang matugunan ang sakit ng mga hayop na posibleng nakuha sa nangyaring pagsabog.