-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na wala silang namomonitor na anumang destabilization plot laban sa Duterte administration.

Ayon kay PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, “lumang tugtugin” na ang paglabas ng ulat na coup d’ etat sa tuwing sasapit ang EDSA People anniversary.

Bukas, February 25, ang ika-34 taong anibersaryo ng 1986 EDSA Revolution.

Siniguro naman ni Gamboa na mananatiling tapat sa Saligang Batas at sa taongbayan ang PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kumpiyansa ang PNP chief na malabo ring magbunga kung mayroon mang planong destabilisasyon lalo’t nagkakaisa sila ni AFP Chief of Staff Gen. Filemon Santos na huwag suportahan ang ganitong uri ng hakbang.

Binigyang-diin ni Gamboa ang resulta ng iba’t ibang survey na nagpapakitang nananatiling mataas ang rating ng publiko sa pamamahala ng Pangulong Rodrigo Duterte.