BOMBO DAGUPAN -Nananantiling nakapiit sa bilangguan ang ikalawa sa Most Wanted Person sa munisipalidad ng Mangatarem dahil sa kasong 2 counts ng Statutory Rape.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Arturo Melchor, Jr., Chief of Police ng Mangatarem Municipal Police Station, naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest matapos na lumapit at nagsumbong sa kapulisan ang anak nito na matagal na niya umanong pinagsasamantalahan.
Sa isinagawang imbestigasyon ng kapulisan, lumalabas na pinagsasamantalahan ng 35-anyos ng suspek ang kanyang anak sa loob ng humigit kumulang limang taon kung saan sa tuwing nalalasing ang ama nito ay saka nito ginagalaw ang biktima simula pa lamang noong ito ay nasa elementarya hanggang sa ito ay tumuntong ng high school.
Dahil sa takot ay hindi na nakapagsumbong ang biktima. Mayroon na rin umanong pagkakataon kung saan ay nagsumbong ito sa kanyang ina subalit hindi ito pinaniwalaan.
Sa mga karagdagan pang imbestigasyon ng kapulisan at kanilang pagbisita sa tahanan ng biktima ay lumalabas na mayroon lamang iisang kwarto ang kanilang bahay kung saan namamalagi ang lahat ng miyembro ng kanilang pamilya.
Kaagad namang nagsagawa ng pakikipagdayalogo ang kapulisan kasama ang ilang kawani ng hanay ng Department of Social Welfare and Development sa mga magulang ng biktima tungkol sa mga hakbangin na dapat nilang gawin, kung saan ay nanatili sa pangangalaga ng naturang ahensya ang biktima dahil na rin sa kagustuhan nitong mapalayo muna sa kanyang pamilya.
Kalaunan ay nakapagdesisyon ang pamilya ng biktima, partikular na ang ina nito, ay hiniling na lamang nito na dalhin ang buong pamilya nito sa Visayas at iniwan na lamang sa kustodiya ng mga awtoridad ang kanilang padre de pamilya.