CAUAYAN CITY- Simula ngayong araw ang 35 barangay sa Ilagan City ay isinailalim sa Granular lockdown.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni G. Paul Bacungan, Public Information Officer ng pamahalaang Lunsod ng ilagan na isinailalim sa granular lockdown simula ngayong araw hanggang August 22, 2021 ang 35 barangay dahil sa tumataas na kaso ng COVID 19.
Layunin din ng paglockdown na magkaroon ng masusing contact tracing sa mga nasabing barangay upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Ang mga barangay na nasa ilalim ng Granular Lockdown ay ang Alibagu, Bliss Village, Calamagui First, Calamagui 2nd,, Guinatan, Centro Poblacion, Santa Barbara, Baculod, Osmeña,Camunatan, Baligatan, San Vicente, Cabannungan 1st at Cabannungan 2nd.
Kabilang pa sa nakasailalim sa granular lockdown ang mga barangay ng Mangcuram, Santa Isabel Sur, Bangag, Malalam, Alinguigan 1st, Alinguigan 3rd, Rugao, Fuyo, Batong Labang, Marana 2nd , Cabisera 7, San Andres, Arusip, Bagong Silang, Sentro San Antonio, Aggassian, Sipay, Cabisera 22, Pilar at Cabisera 10.
Sinabi pa ni Ginoong Bacungan na hinigpitan nila ang pagpapatupad ng boundary checkpoints upang matiyak na walang makakalusot na mga Locally Stranded Individual na hindi dumadaan sa tamang proseso bago makihalubilo sa mga residente ng Lunsod ng Ilagan.
Inatasan na rin ang siyamnaput isang punong barangay na higpitan ang kanilang mga ipinapatupad na checkpoints sa kani-kanilang nasasakupan.
Habang ang mga magtutungo sa Lunsod ng Ilagan ay sasailalim sa assessment sa mga checpoints kung saan hinahanapan sila ng mga, Identification Card at kung kompleto ang mga travel documents.