CAGAYAN DE ORO CITY – Pinapaigting pa ng national government ang paglaban sa tuloy-tuloy na local tranmission ng COVID-19 sa maraming residente na nakabase sa Cagayan de Oro City.
Ito ay matapos nasa higit 35,000 doses ng Pfizer vaccines ang ipinagkaloob ni Philippine vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. para sa city government upang palakasin pa ang vaccination rollout para sa targeted priority sectors ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Department of Health-10 media relations officer Emiliano Galban Jr. nakaimbak na sa kanilang fully temperatured storage ang nabanggit na mga bakuna para sa pang-araw-araw na vaccination schedule ng lungsod.
Sinabi ni Galban, bagamat marami ang naghahangad na makakuha ng dose sa Pfizer subalit ang tagubilin ni Galvez ay nakalaan ito para sa natitira na A1 at A3 priority sectors.
Magugunitang sa buong Northern Mindanao, ang lungsod ang mayroong pinakamabilis na vaccination rollout kaya halos kada-linggo ay mayroong alokasyon ng mga bakuna.
Natukoy na maliban sa dumating na Pfizer supply ay nasa 6,000 pa na Sinovac vaccines ang isinama ni Galvez para paghatian ng mga probinsya sa rehiyon.