BAGUIO CITY – Pangunahing binabantayan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cordillera ang 35 mga opisyales sa Cordillera Administrative Region na hinihinalang may kaugnayan sa iligal na droga.
Ayon kay Edgar Afalla, PDEA Cordillera regional director, mismong nanggaling kay Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang impormasyon.
Sinabi niyang kabilang sa 35 na opisyal ang walong mga punong barangay, 26 na barangay kagawad at isang mayor.
Sinabi pa ni Afalla, maliban daw sa 35 na opisyal ng lokal na pamahalaan ay mahigpit ding binabantayan ng PDEA ang 44 na sibilyan sa Cordillera na hinihinala ring may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot.
Inihayag ng opisyal na ini-report na ng PDEA-Cordillera sa DILG ang nasabing impormasyon.
Gayunpaman, sinabi ng regional director na nananatiling confidential ang pagkakakilanlan ng naturang mga opisyal.