CENTRAL MINDANAO – Sinampahan na ng pormal na reklamo sa GRP-CCCH Panel ang umaabot 35 na mga myembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na naharang sa AFP/PNP checkpoint sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Jibin Bongcayao na naharang sa Army at PNP checkpoint sa Barangay Poblacion, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao ang 35 MILF members na armado ng mga matataas na uri ng armas.
Agad itong dinis-armahan at dinala sa kampo ng 2nd Mechanized Infantry Battalion Philippine Army sa Talayan, Maguindanao para sa documentation at filing ng formal protest dahil sa kanilang paglabag sa ceasefire agreement.
Mahigpit na pinagbabawal sa mga myembro ng MILF na lumabas ng kanilang kampo na may dalang armas kung walang koordinasyon sa militar, PNP at GRP/MILF-CCCH.
Puwede lamang magdala ng armas ang Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF-MILF) sa loob ng kanilang kampo.