LEGAZPI CITY – Bidang-bida umano ang magagandang landscapes at tourist destinations sa Albay na bibisitahin ng mga kandidata ng Miss Earth 2019.
Ito ay matapos na pormal nang kumpirmahin ng organizer ng international pageant na sa lalawigan gaganapin ang swimsuit competition.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Alfred Nimo, chairman ng Team Albay Youth Organizations (TAYO) Inc. Board of Directors, nasa 35 dilag umano mula sa iba’t ibang bansa ang tutungo sa lalawigan.
Ilalatag ang mga aktibidad mula sa Oktubre 3 hanggang 6 na katatampukan ng swimsuit competition, Mayon 360 at pagbisita sa mga komunidad kasama ang mga youth volunteers.
Bibisitahin rin ng mga ito ang Daraga church at Cagsawa Ruins, Sumlang Lake sa Camalig, Jovellar Underground River, Bamboo Setum sa Ligao City at Mayon Resthouse sa Tabaco City.
Ibinahagi rin ni Nimo na nasa 90 percent na ang pag-uusap upang mapapayag ang lalawigan na dito ganapin ang Grand Coronation na may temang “Futuristic Earth.”
Aminado naman ang opisyal na malaking crowd ang dadagsa kung mangyari ito kaya’t tinitimbang pa ang kapasidad ng magiging accomodation.