Nakarating na sa Pilipinas ang ikalimang batch ng mga labi ng overseas Filipino workers (OFWs) na nasawi sa COVID-19 at iba pang kadahilanan.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, 35 migrant workers ang naiuwi na mula sa Saudi Arabia.
Lumapag ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) 3 sakay ng Philippine Airline chartered flights na kinomisyon ng gobyerno.
Kabilang sa mga labi ang 12 mula sa Jeddah; 21 mula Al Khobar; at dalawa sa Riyadh.
Ayon sa DOLE, 30 ang nasawi dahil sa COVID-19 habang lima ang namatay dahil sa ibang rason.
Sumatotal, umakyat na sa 299 ang bilang ng mga nasawing OFWs ang naiuwi sa bansa sa pamamagitan ng mass repatriation.
Tuloy-tuloy naman aniya ang pagbibigay ng ayuda ng gobyerno sa mga pamilya ng OFWs na nasawi dahil sa pandemya.