BUTUAN CITY – Umabot na sa 35 mga pampublikong paaralan dito sa Butuan City ang nagpatupad na ng kombinasyon ng in-person at modular distance learning dahil sa patuloy na nararanasang extreme heat index.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Emilio Makiling, ang disaster risk reduction and management officer ng Department of Education o DepEd-Butuan City Schools Division, nagsumite na sila ng online report ksa mga paaralang nag-shift na ng kanilang klase mula sa in-person patungong modular o blended classes kungsaan pinakahuli nito ang Agusan National High School nagpatupad nito kahapon imbes na ngayong Lunes, Mayo a-15 pa sana.
Ito’y dahil na rin sa mga health issues na naranasan hindi lang ng mga estudyante kundi pati na sa mga guro at sa mga school staff.
Wala umanong dapat na alalahanin sa mga modules dahil kada-kwarter ito ini-isyu kung kaya’t kaagad na itong magagamit ng mga estudyante.
Sinimulan ang modular distance learning sa Taguibo Elementary School nitong nakatapos na linggo matapos na isa sa kanilang mga mag-aaral ay nagka-nosebleed dahil sa sobrang init ng panahon.