-- Advertisements --

Dalawang linggo mula nang ianunsyo ni Angelica Panganiban na sa wakas ay buntis na siya, prayoridad na raw nito ngayon na tutukan muna ang kanyang pagdadalang-tao.

Ayon sa 35-year-old actress, papahalagahan nito ang buong pregnancy journey lalo’t nakakaranas ng tinatawag na morning sickness o yaong pagsusuka at madalas ay moody na rin.

Feeling extra blessed aniya siya na todo ang suporta ng kanyang management kung saan walang pilitan at puwersahan na tapusin pa nito ang dapat sana’y kakatampukang bagong show.

“Medyo mahirap siya dahil ‘di ko talaga naiintindihan nangyayari sa katawan ko. Suka, iiyak, tatawa, mainit ang ulo. Para akong kinikiliti. Konting bagay na makita ko, pinagtatawanan ko ang babaw-babaw ng lahat. Lahat naamoy mo, totoo pala ‘yon. Lahat naririnig mo, kaunting galaw, ramdam mo,” saad nito sa Star Magic. “Walang ganoon (pagpapahirap). Talagang inintindi nila ako. Open arms nilang tinanggap ‘yung good news. Lahat sila tumawag, lahat sila nag-text nagko-congratulate sila, sobrang supportive nila.”

Kamakailan lang ay isinapubliko na nito ang umuusbong na baby bump kasama ang non-showbiz boyfriend na si Gregg Homan.

Kung maaalala, kasabay ng New Year 2021 nang unang magpahiwatig si Angel na mayroon itong bagong pag-ibig sa pamamagitan ng pag-post ng kissing photo nila habang nasa beach sa Zambales.

Hindi pa niya pinangalanan noon ang kasintahan na wala sa show business, pero ito ay napag-alaman na foreigner, may-ari ng isang kompanyang nagdidisenyo, gumagawa, nagbebenta, at nagpaparenta ng boats at water crafts sa Subic.