Inilikas na sa mas ligtas na lugar ang nasa 350 mga Pilipino sa Sudan sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan doon.
Ito ay matapos na itaas ng pamahalaan sa Alert Level 3 ang status sa nasabing bansa nang dahil sa walang humpay na karahasan doon dulot ng naturang digmaan na nagsanhi sa pagkasawi ng nasa mahigit 500 indibidwal.
Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers Eduardio de Vega, sa ngayon ay bumabiyahe na patungo sa border ng Egypt ang kanilang pitong bus na mayroong sakay na 350 na mga Pilipino na lilikas habang mayroon din aniyang 50 mga Pinoy ang nailikas na ng DFA mula sa Sudan noong nakaraang araw.
Pag-amin ng opisyal ay nagkakaroon din ng problema ang mga ito sa pagtawid sa mga borders Egypt dahil sa paghihigpit ng mga otoridad doon sa pagpapasok ng mga tao, habang karamihan din sa mga Filipino evacuees ay paso na ang mga pasaporte habang ang iba naman ay walang talagang maipakitang pasaporte.
Dahil dito ay tinataya aniyang aabot sa 24 oras hanggang 48 oras ang itinatagal ng proseso ng pagpasok ng mga Filipino evacuees sa nasabing bansa.
Ngunit sa ngayon aniya ay tumatanggap na ng mga visa ang Egyptian authorities bilang arrival requirement sa kanilang bansa.
Samantala, sa bukod naman na pahayag ay sinabi ni Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago, na mayroon nang 23 Pilipino ang nailikas na rin ng kanilang mga employers.