Nasa 3,500 kilo ng mga bagong ani na mga sari-saring gulay ang ipinamahagi ng mga sundalo ng Philippine Army sa Quezon kahapon, March 28,2020.
Ang pamamahagi ng mga gulay ay pinangunahan ng mga tropa mula sa 1st Infantry Battalion sa bayan ng Lucban at Tayabas sa lalawigan ng Quezon.
Ayon kay 1st Infantry Battalion Commanding Officer Lt. Col. Jesus Diocton, ang mga nirepack nilang gulay ay ipinamahagi sa mga frontliners ng hospital at sa mga checkpoints para makaambag sa kanilang pangangailangan.
Ang mga nasabing gulay ay mula sa sakahan ng Lucban Farmers and Growers Association sa bayan ng Lucban.
Kabilang sa mga gulay na ipinamigay ng mga sundalo ay sayote, pechay, Chinese spinach, talbos ng kamote, Labanos at Sitaw.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga magsasaka sa Quezon sa pamumuno ni Ginang Maristela Abad sa tulong na ibinigay ng pamunuan ng 2nd Infantry Division at maging sa Queensland Sunshine Mission Incorporated na siyang nagbayad sa mga inaning gulay.
Pinapurihan naman ang mga kasundaluhan dahil sa ipinalitang kakaibang serbisyo publiko sa panahong umiiral ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.