Tinatayang aabot hanggang 35,000 manggagawa sa fishing at canning industry ang mawawalan ng kanilang trabaho sa susunod na tatlong buwan dahil sa implementasyon ng closed fishing season.
Ibinabala ni Department of Labor and Employment (DOLE) Zamboanga peninsula director Roy Buenafe na posibleng magsimulang maramdaman ito ng mga manggagawa sa Disyembre 1.
Liban pa sa industriya ng canning at fishing industry, iba pang allied industries ang maapektuhan maging ang mga informal sector na kabilang sa naturang industriya.
Bilang tugon sa panig ng Labor department, inactivate na ang emergency employment program sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD.
Ito ay para maibsan ang pasanin ng mga mawawalan ng trabaho sa loob ng tatlong buwan sa pamamagitan ng pagbibigay ng buwanang halaga ng pasahod.
Saad pa ng opisyal na ang mga apektadong manggagawa ay maaari ding makilahok sa mga aktibidad ng pagsasaka sa economic zones sa rehiyon o ibang trabaho sa natukoy na farm cooperatives.
Ipinapatupad ang closed fishing season para payagan ang mga isda na mangitlog at dumami.