Nakatakdang itaas ng Philippine National Police (PNP) ang Full Alert Status sa darating na Lunes bilang paghahanda para sa papalapit na paggunita ng All Souls at All Saints Day.
Ayon kay PNP Spokesman P/BGen. Bernard Banac, nasa 35,000 police personnel ang kanilang ipakakalat sa buong bansa para tiyakin ang seguridad partikular na sa mga terminal ng Bus, Paliparan, Pantalan, Pamilihan, Simbahan, at mga sementeryo.
Ito ay bukod pa sa 100,000 force multipliers na binubuo ng mga Barangay Tanod, Bantay Bayan at Medical Volunteers gayundin ang Fire and Rescue teams.
Umapela ang PNP sa publiko na hangga’t maaari ay huwag magsuot ng mga mamahaling alahas o di kaya’y magdala ng malaking halaga ng salapi sa kanilang pagbiyahe patungo sa mga lalawigan at mga sementeryo.
May mga ikakasang Police Assistance Desk at ipakakalat na mga Road Marshalls sa mga pangunahing kalsada sa bansa upang magbigay alalay sa mga biyahero’t motorista sa sandaling kailanganin ng mga ito ng tulong.