-- Advertisements --

VIGAN CITY – Kalunos lunos ang sinapit ng isang 36-anyos na lalaki na nagmamaneho ng motorsiklo dahil sa halos maputol ang kanyang leeg sa pagkakasabit nito sa lubid ng saranggola habang tinatahak ang diversion road sa Brgy. Cabalangegan, Vigan City kasama ang kaibigan nito.

Nakilala ang biktima na si Benedict Tipon Paiste, may asawa, electrician at residente ng Brgy. An-annam, Bantay habang sugatan naman at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang kaangkas nitong si Reynante Pugal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Pugal, bigla na lamang umanong natumba ang kanilang sinasakyang motorsiklo hanggang sa makita nitong duguan si Paiste dahil sa malalim na sugat na kanyang tinamo kaya agad naman agad na nagpasaklolo upang maisugod sa ospital ang biktima ngunit sa kasamaang palad ay naideklara itong dead on arrival.

Gayunman, mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homidice ang dalawang lalakeng nagmamay-ari ng nasabing lubid at sarangola na kinabibilangan ng isang menor de edad at 27- anyos.