CAUAYAN CITY – Hinigpitan ng mga kasapi ng 7th Infantry Division (ID), Philippine Army at mga pulis ang seguridad sa 36 na bayan sa walong lalawigan na nagdeklara ng persona non grata sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Maj. Amado Gutierrez, division public affairs officer ng 7ID, ang kanilang sakop ay ang Region 3; Region 1; lalawigan ng Abra; pitong bayan sa Nueva Vizcaya; at dalawang bayan sa Mountain Province.
Inihayag ni Gutierrez na ang walong lalawigan na nagdeklara ng persona non grata sa CPP-NPA ay ang mga lalawigan ng Ilocos Sur; Ilocos Norte; Pangasinan; Zambales; Abra; La Union; Aurora; Bulacan at 36 na bayan mula sa mga nasabing lalawigan.
Kabilang din aniya sa mga naglabas ng deklarasyon ang bayan ng Salapadan, Abra kung saan sinalakay ang detachment ng mga CAFGU na ikinamatay ng dalawa nitong mga miyembro.
Upang maprotektahan aniya ang mga mamamayan sa mga lugar ay tinutulungan sila ng mga sundalo at mga pulis katuwang ang mga barangay tanod.
Pinaalalahanan rin ang mga mamamayan sa nasabing mga lugar na kapag nakakita ng ng mga taong may kahinahinala ang mga kilos ay ipagbigay-alam sa mga sundalo upang kaagad nilang matugunan.