KALIBO, Aklan —- Umaabot na sa 36 na fully-vaccinated na mga dayuhang turista ang dumating sa Isla ng Boracay matapos na muling buksan ng bansa ang borders nito sa mga foreign travelers.
Ayon kay Malay Tourism Officer Felix delos Santos mula ang mga dayuhang turista sa United States, Germany at United Kingdom mula Sabado, Pebrero 12 hanggang Lunes, Pebrero 14.
Karamihan umano sa mga ito ay nagmula sa Thailand at iba pang bansa sa Asya bago tumawid papuntang Pilipinas.
Umaasa si delos Santos na magtuloy-tuloy na ang pagpasok ng mga foreign at domestic tourists at hindi na magkaroon ng bagong variant ng COVID-19.
Ayon pa sa opisyal na mahigit sa 102% ang vaccination rate ng mga tourism workers sa isla at sinimulan na ang pag-administer ng booster shots.
Ngayon umano nila naramdaman ang muling pagbukas ng turismo sa Boracay sa pagpasok ng mga foreign tourists.
Samantala, sa selebrasyon ng Valentines Day, umabot sa 2,491 ang tourist arrivals. Sa kasalukuyan, nakapagtala umano sila ng 2,000 hanggang 3,000 na turista bawat araw.
Simula Pebrero 1 hanggang 14, kabuuang 29,182 ang nagbakasyong turista sa isla.