Eksaktong isang linggo na ay wala pa ring nadagdag na mga Pinoy seafarers ang narerekober ng search and rescue teams sa karagatang malapit sa bansang Japan.
Iniulat ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na batay sa report ng Philippine Embassy sa Tokyo at ng Philippine Consulate General sa Osaka, nabigo nitong araw ang Japanese Coast Guard na makakita ng anumang senyales sa mga missing na mga tripulante.
Dahil dito, muli na namang ipagpapatuloy ng Japanese Coast Guard ang pagsasagawa ng sea at aerial search ngayong araw ng Miyerkules.
Kasabay nito, muling tiniyak ng DFA ang tulong at suporta sa mga Pinoy crew at kanilang mga pamilya na nasa Pilipinas.
“The Philippine government remains steadfast in providing full support to our Filipino seafarers and their families as our foreign service posts and POLO in Japan continue to monitor and coordinate the situation with the Japanese authorities,” bahagi pa ng statement ng DFA.
Samantala, sumulat na rin ang kompaniyang Korpil Shipmanagement and Manning Corp. kay Pangulong Rodrigo Duterte upang umapela rin ng tulong.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ms. Juli de Jose, ang supervisor ng manning agency, idinaan nila ang sulat sa pamamagitan kay Sen. Bong Go.
Hiling daw sana nila ay pakiusapan din ng Presidente ang China, South Korea at iba pang kalapit na bansa na sana ay makibahagi sana sa puspusang paghahanap sa mga nawawalang kababayan.
Aniya, naganap ang paglubog ng Gulf Livestock 1 sa bahagi na ng international waters sa East China Sea noong September 2.
Todo naman ang pasasalamat ng Korpil sa pamahalaan ng Japan dahil sa malaking tulong na ginagawa sa search operation.
“Nanghingi na rin po kami ng tulong kay Presidente thru Senator Bong Go. Gumawa kami ng letter na nanghihingi ng tulong sa Korea, China at any countries po malapit doon sourounded po by international waters. Actually, ang Japan is malaki po ang tulong sa amin,” ani De Jose sa Bombo Radyo, na posible ring magtungo ng Japan para sa karagdagang koordinasyon.
Ukol naman sa tulong sa mga pamilya ng mga seamen, tiniyak din ni San Jose na tuloy-tuloy naman daw ang kanilang kumunikasyon sa mga ito.
“Anything na kailangan nila ng tulong, financial or any support just call Korpil lang po.”
Sa ngayon nananatili pa rin sa dalawa ang nakitang survivors na mga Filipino.
Kabilang dito ang chief officer na si Sareno Edvarodo at ang kasamang deckhand, habang ang isa namang crew ay narekober pero namatay umano sa ospital.
Una rito ang Gulf Livestock 1 ay umalis ng New Zealand noong kalagitnaan ng buwan ng Agosto na may kargang 5,800 na mga baka na ihahatid sana patungong Tangshan sa bahagi ng eastern coast ng China.
Pero sinalpok daw ito ng malalaking alon hanggang sa lumubog.
Dahil sa pangyayari pansamantala munang sinuspinde ng New Zealand ang pag-apruba sa panibagong pag-aangkat ng mga buhay na baka kasunod nang nangyaring trahedya.