-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Sa pambihirang pagkakataon ay nakaranas ng Christmas party ang mga dating kasapi ng komunistang kilusan sa isang programa sa punong himpilan ng 38th Infantry (We clear) Battalion sa Sitio Tampuan, Brgy. Kamanga, Maasim, Sarangani.

Bukod sa handog na Christmas Party ay binigyan din ng mga regalo at Noche Buena package ang 36 na mga former rebels. Ang LGU Sarangani at ilang mga bayan na nasasakupan nito ay nag-aabot din ng financial na tulong sa mga nagbalik-loob na mga rebelde.

Bahagi din ng programa ang paglagda ng mga ito sa tarpaulin ng ‘Panata sa Kapayapaan’ at panunumpa ng katapatan sa Republika ng Pilipinas at tuluyang pagtalikod sa armadong pakikibaka.

“Ngayon pa namin naramdaman ang masayang pagdiriwang ng kapaskuhan. Dito ko napagtanto na hindi kalaban ang gobyerno bagkus katulong natin sila sa pagkamit ng magandang bukas”, wika ng isa sa mga dating NPA combatant.

Sa kanyang mensahe sinabi ni Sarangani Governor Rogelio Pacquiao, na siya ring pinuno ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) na ang pagbalik-loob ng 36 na mga former rebels ay nangangahulugan na kaisa ang mga ito sa hinahangad na kapayapaan at kaunlaran sa lalawigan ng Sarangani. “One thing is clear, violence in any form and action and those who poison the mind of people to rebel against the government, kaning tanan wala natu gina-welcome sa atong probinsiya”, pahayag pa ng gobernador.

Personal namang tinungo ni Major General Roy Galido, ang Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang aktibidad upang ipabatid sa mga FRs na hindi sila kalaban ng gobyerno sa halip ay nalinlang lamang ang kanilang pag-iisip ng mga maling impormasyon.

Dumalo din sa aktibidad si Brigadier General Pedro Balisi, ang Commander ng 1st Mechanized Brigade; Lt. Col. Rey Rico, Commander ng 34IB; Major Michel Angelo Diquiatco, 38IB Executive Officer; Atty. Ryan Jay Ramos, Chief of Staff, Office of the Governor – Sarangani; Hon. Jose Tranquilino Librea Ruiz, Board Member; Hon. Ruben Balanag, Municipal Administrator, Maitum; Hon. George Falqui, Mayor ng Kiamba; Hon. Visitacion Nambatac, bise alkalde ng Maasim; mga kasapi ng PNP, kagawad ng media at iba pa.

Matatandaan na sumuko ang mga dating rebelde kay Lieutenant Colonel Michael Angelo Candole, ang Acting Battalion Commander ng 38IB nitong ika-8 ng Disyembre, 2022 bitbit ang kanilang mga gamit pandigma, bilang hudyat ng kanilang pagtalikod sa armadong pakikibaka.

Batay sa tala ng JTF Central, umaabot na ngayon sa 167 na mga communist terrorist group ang na-nuetraliza sa iba’t-ibang mga yunit na sakop ng Kampilan Division. Sa nabanggit bilang, 150 ang nagbalik-loob habang 17 ang nasawi sa pakikipaglaban sa tropa ng militar.

Ang nasabing numero ay buhat buwan ng Enero hanggang ngayong katapusan ng taon. Kabilang sa mga nasawi ay ang matataas na opisyal ng humihina at papawasak na Far South Mindanao Region na sina Ian Dela Rama alias Cris, Former Secretary, Front 4A; Emmanuel Fernandez alias Bobo, secretary ng South Mindanao Region; Dennis Dolunan alias Kalbo, Deputy secretary ng East Daguma Front na binabaan ng order of battle at maraming iba pa.