CAUAYAN CITY – Sumailalim sa video conference hearing ang 36 na Persons Deprive of Liberty ( PDL) sa Bureau of Jail Management and Penology Santiago City bilang paraan ng pagdinig sa kaso sa ilalim ng mga RTC Branches sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Chief Insp. Erickley Louise Lazaro, Jail Warden ng BJMP Santiago City, sinabi nito na dahil sa Memorandum Circular na inilabas ng korte suprema ay pinapahintulutang isagawa ang pagdinig sa pamamagitan ng Video-conference para sa mga bilanggo na nakagawa ng minor crimes.
Simula noong Mayo 8, 2020 ay 36 PDLs na ang sumailalim sa nasabing video-conference hearing at tatlo na rin ang nakalaya.
Sa lalawigan ay nabigyan na ng kapangyarihan na isagawa ang hakbang na ito sa RTC Branch 36, Branch 31 at Branch 35.
Ayon kay Jail Chief Insp. Lazaro, wala itong pinagkaiba sa Regular na pagdinig sa mga kaso dahil naroon pa rin naman ang mga Husgado, Akusado, Public Attorneys Office, Prosecutors office ng Santiago City at RTC Branch na mangunguna sa pagdinig.
Dagdag pa nito na isang araw bago ang pagdinig ay pinapayagan ng kanilang pamunuan na makausap ng mga akusado ang kanilang mga abogado bilang bahagi ng legal consultation.
Tiniyak niya na may mga tauhan silang nagbabantay sa mga inmates habang sila ay nag-uusap.