-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Hindi hadlang sa 36 na mga bilanggo ng North Cotabato District Jail (NCDJ) ang kanilang kalagayan para tagumpay na makapagtapos ng 34 na araw o 368 hours na Training on Shielded Metal Arc Welding NC 1 sa North Cotabato Provincial District Jail, Amas, Kidapawan City.

Layon ng pagsasanay na tulungan ang mga person’s deprive with liberty (PDLs) na mabigyan ng oportunidad na magkaroon ng dagdag na kaalaman at upang magkaroon disenteng pagkakakitaan pag sila ay lumaya na.

Lubos naman ang pasasalamat ni Chief Inspector District Jail Warden Joe Anthony M. Gargarita sa programang isinusulong ng TESDA at pamahalaang panlalawigan upang matulungan ang mga PDLs na magkaroon ng tamang pagsasanay upang madagdagan ang kanilang kaalaman at mahasa ang kanilang talento sa pagwewelding.

Sa kanyang mensahe tiniyak ni TESDA Provincial Director Norayah A. Acas na laging handang tumulong ang TESDA sa lahat ng sektor ng lipunan lalo na yaong mga indibidwal na nasa laylayan ng lipunan.

Nagpaabot naman ng kanyang ng pagbati at pasasalamat si Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa pamamagitan ni Provincial Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) Arsenio M. Ampalid, kung saan binigyang diin nito na hindi dapat maging hadlang ang kalagayan ng PDLs upang mawalan ito ng pag-asa sa buhay.

Sa halip maging inspirasyon nila ito upang mas lalo pang magsumikap sa buhay at ng mapaghandaan ang kanilang pagbabagong buhay.

Dumalo din sa naturang pagtatapos si MPCI School Director Luela R. Bauzon, TESDA Focal Person Brix dela Pena Ambol at ilang personahe ng NCDJ.

Ang training ay pinangunahan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa ilalim ng kanilang programang Training for Work Scholarship Program (TWSP) katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato at Matalam Polytechnic College Incorporated.