BUTUAN CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na mayroon ng patient under investigation (PUI) sa COVID-19 ang Caraga region habang 36 naman ang naitalang persons under monitoring (PUMs).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan inihayag ni Dr. Jose Llacuna Jr., regional director ng DOH-Caraga na sa nasabing bilang ng PUMs, 12 nito ang patuloy pang inoobserbahan habang ang natitirang 24 ay nakatapos na sa kanilang 14-day quarantine.
Habang ang isang PUI naman ay nasa isang government facility sa rehiyon kahit na hindi nilagnat at walang mga sintomas ng COVID kung kaya’t inaantay na lamang ang resulta ng kanyang test mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Sa kabila nito inihayag ni Dr. Llacuna na kontrolado nila ang sitwasyon sa rehiyon.
Ngunit patuloy ang kanilang panawagan sa lahat na i-report kaagad o kaya’y bulontaryong magsadya sa ospital o ‘di kaya’y sa Rural Health Unit lalo na ‘yaong may travel history sa mga bansang apektado ng COVID-19 upang mapigilan ang posibleng paglaganap pa nito.